As reported by Daniel Infante Tuaño on Balitang Global, TFC, ABS-CBN
For English, please click this link: abs-cbnnews.com
Kalaboso ang isang Pilipina sa Barcelona matapos umano niyang pagnakawan at painumin pa ng pampakalma ang inaalagaang matanda.
Nakapiit sa Barcelona ang Pilipinang si “Marilou”, ‘di tunay na pangalan, taga-Barcelona sa kasong pagpapainom niya ng benzodiazepine, isang gamot na pampakalma, para nakawan ang matandang inaalagaan.
Anim na buwang inalagaan ng suspect ang matanda at siya lang ang parating kasama.
Noong una, mga alahas umano na nagkakahalagang 9,720 euros o mahigit 460,000 pesos ang ninakaw niya.
Pero ayon sa pamilya ng biktima – maraming alahas pa na aabot sa 35,000 euros o higit 1.6 million pesos ang nawawala.
Sa imbestigasyon ng pulisya sa rehiyon ng Catalunya, Mossos d’Esquadra, nagwithdraw pa raw ang suspek ng 18,700 euros o higit 880,000 pesos sa bank account ng biktima simula noong kalagitnaan ng Pebrero.
Dahil sa paglala ng kalusugan ng 85-taong gulang na biktima, nagdesisyon ang pamilya na ipasok siya sa residencia o nursing home pero pag kailangan, si Marilou pa rin ang nag-aalaga.
Nagsimula raw magduda ang pamilya nang makitang maraming withdrawal sa bank account ng matanda.
Pinacheck up nila ang biktima at napatunayang pinapainom ng gamot pampakalma kaya nagsampa na ng kaso ang pamilya laban sa suspect.
Nadakip si Marilou noong ika-18 ng Marso at nakuha rin sa kanya ang bank book at credit card ng matanda, 725 euros, at authorization para magwithdraw na umano’y kanyang pineke.
Hindi pa malinaw ang motibo ng suspect sa pagnanakaw ayon sa pulisya.
“Maaaring dahil sa utang. May pinagkakautangang malaki. Pero kaduda-duda ang teoryang ito dahil noong nagpunta ang pulisya sa bahay nya para masusing magimbestiga, napag-alamang bumili pa ito ng iphone 6 na nagkakahalaga ng 1,000 euros,” ani Carlos Fernandez sa Catalan, caporal ng Police Investigation Unit ng Mossos d’Esquadra.
Dagdag ni Fernandez dati nang may kasong pagnanakaw at estafa si “Marilou” pero nakalalaya dahil wala pang sentensya.
Hindi makapaniwala ang mga taga-Barcelona sa pangyayari dahil kapulaan ito sa magandang imahe ng mga Pinoy.
Ayon naman sa police na half Filipina-half Spanish na si Elizabet Cano Beredo,walang dapat ikabahala ang mga Pilipino.
“Nakakagulat ang nangyari pero isolated case lang ito. Tiwala pa rin sila sa mga Filipino. Wala namang problema sa mga Filipino kumpara sa ibang nasyonalidad.”
Sinubukan ng Balitang Global na kunin ang panig ni Marilou sa pamamagitan ng kanyang abogado pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.